Monday, November 29, 2010

Epekto ng globalisasyon sa kultura ng ating bayan


Una sa lahat, mas pinili kong isulat ang blog na ito gamit ang sarili kong wika upang mas maipahayag ko ang mahahalagang kaisipang Pilipino na nabuo ko mula sa aking mga pananaliksik. Ang mga kaisipang ito ay mahirap na isulat sa wikang dayuhan sapagkat maaaring maiba ang pagkakaintindi ng mga ito.

Nais kong ibahagi ngayon ang isa sa mga tago sa ating ulirat na epekto ng globalisasyon. Totoo na ang globalisasyon ay nagbukas ng isang daan para sa ating bansa na makaahon kahit papaano mula sa pagkakabaon ng ating ekonomiya lalo na noong panahon ni Marcos. Subalit marami itong hininging kapalit. Isa sa gusto kong bigyang pokus ay ang epekto ng globalisasyon sa sistemang industriyal at edukasyon na siyang bingiyang daan ng panukalang batas noon tungkol sa wika.

Batid natin na ang bansa natin ay nabubuo ng mga dayuhang industriya at ang mga industriyang ito ay siyang isa sa mga pangunahing pinagkukunan natin n gating kabuhayan. At upang makapasok tayo o makakuha tayo ng ating trabaho sa mga kompanya o industriyang ito, kinakailangan nating umayon sa mga patakaran at makibagay sa galaw ng sistema nila. Isa sa pangunahing hinahanap nila ay ang mga mangagagawa na marunong magsalita ng inggles sapagkat ang mga amo nila ay pawang mga dayuhan. Kung kayat, may mga isinabatas noon sa administrasyong Arroyo na gawing medyum ng panturo ang wikang Inggles. Ano nga ba ang epekto nito sa atin?

Tinalakay sa “The Miseducation of the Filipinos” ni Profesor Renato Constantino at “Nanganganib na nga ba ang Sikolohiyang Pilipino dahil sa Wikang Inggles?” ni Dr. Virgilio Enriquez. Katulad ng punto ni Prof. Lumbrera, Ipinupunto ni Prof. Constantino at maging ni Dr. Enriquez sa kanilang mga sulatin na ang wika ay ginagamit upang baguhin ang ating kamalayan at ito’y nagaganap at magaganap sa sistemang pang edukasyon ng mga tao.[1] Matapos ang pananakop ng mga Kastila sa ating wika, ang pananakop naman ng Amerikano’y paggamit ng kanilang wika sa edukasyon o pagkatuto ng mga Pilipino. Sinabi ni Constantino sa kanyang sulatin na, “The molding of men’s mind is the best means of conquest. Education, therefore, serves as a weapon in wars of colonial conquest.” Ang pananaw ng mga Amerikano’y masasabi nating buhay pa rin sa ating sosyedad hanggang ngayon. Hindi pa rin nawawala dahil patuloy pa rin nating ginagamit bilang medyum ng pagtuturo sa kahit na saan mang paaralan. Mukha ngang nagkakatotoo ang mga nasabi ni Prof. Constantino gaya ng “Young minds has to be shaped to conform to American ideas” at “Education served to attract the people to the new masters and at the same time to dilute their nationalism which had just succeeded in overthrowing a foreign power”. Sinasabi rin ng mga Amerikano noon na ang ginawa nilang “educational system” ay upang palayain tayo sa katangahan at pagiging ignorante. Gagamitin raw ang wikang ingles pangturo upang palayuin na tayo sa ating nakaraan. Ang nakaraan nga bang tinutukoy nila na dapat nating limutin ay ang nakaraan sa pananakop ng Espanya o nakaraan kung saan tayo ang namumuno sa ating sariling lupain at tayo ang mas nakakaalam sa kung ano ang dapat nating gawin upang mamuhay dahil tayo ay tao at likas sa ating umayon sa galaw at pangangailangan ng ating sosyedad? Sa konklusyon, nais ko pa ring gamitin ang sinabi ni prof. Constantino: “As long as feelings of resistance remain in the hearts of the vanquished, no conqueror is secure. Education must both be seen not as an aquisition of information but as the making of man so that he may function affectively and usefully within his own society”. Ang wika natin ay proteksyon at kapangyarihan nating mga Pilipino. Dahil sa edukasyon nalaman natin ang problemang ito ng ating bayan. Obligasyon na nating ituwid ang mga binaluktot ng mga dayuhang mananakop dahil wala na sila. Masisimulan natin ito sa paggamit at pagiging hindi dayuhan sa ating sariling wika.
Sana mula rin sa mga nalakap na mga pagaaral, nawa’y kahit kultura na lang natin ang ating isagip sa mga panahon ngayon na nagpapaubaya tayo sa mga dayuhan pagdating sa pamamalakad ng ating ekonomiya.
Lumbrera, B. (2003). Ang wika ay kasangkapan ng may kapangyarihan: Ang wika bilang  
         instrumentong politikal. Panayam, seryeng Filipinolohiya. De La Salle University – Manila.

Constantino, R. (1970). The miseducation of the Filipino. Journal of contemporary Asia. Vol. 1,
        no.1.

Enriquez, V. (1981). Nanganganib nga ba ang Sikolohiyang Pilipino dahil sa wikang Ingles?
Ulat ng ikalabindalawang seminar sa Sikolohiya  ng wika. pp. 21 – 26. UP Diliman, Quezon, City.s



[1] Constantino, R. (1970). The miseducation of the Filipino. Journal of contemporary Asia. Vol. 1, no.1.

2 comments:

  1. ang ganda po ng inyong paglalarawan o pageexplain sa epekto ng globalisasyon sa kultura ng ating bayan

    salamat po estudyante ng paaralang glendale

    ReplyDelete
  2. Ako po ay napadpad lang dito sa kadahilanang ako'y naghahanap ng sagot sa aming aralin. Ngunit, ako'y labis po na nagpapasalamat sa pahayag niyo pong ito. Dahil po dito, nabuksan ang akin isipan at aking napagtantong seryosong isyu ito at kailangan nating kilalanin ang ating sariling wika upang hindi ito tuluyang maging banyaga sa atin. Maraming salamat po at nawa'y pagpalain ka ng Panginoon!

    ReplyDelete